Dagdag gastos na utos ng PPA sa mga trucker, hinarang ng DOTR
Hinarang ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon sa kautusan ng Philippine Ports Authority (PPA) na nagtatakda ng karagdagang gastusin sa mga pantalan.
Sa kautusan ng PPA, inoobliga ang shipping companies at freight forwarders na idaan sa isang app na Trusted Operator Program, Container Registry and Monitoring System (TOP-CRMS) ang lahat ng mga papasok at lalabas na shipping containers.
Nais din ng PPA na ilagay ito sa kanilang accredited na mga container yard sa Bulacan at Calamba, Laguna para maresolba ang port congestion at maiwasan ang matagal na parking ng mga container truck sa mga pantalan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na hinarang nila ang implementasyon ng kautusan dahil bukod sa mga trucking at shipping companies, tinututulan din ito ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni Bautista na hindi pumayag ang mga miyembro ng Board na ipatupad ang kautusan dahil walang malinaw na kapakinabangan ang gobyerno dito.
Sa 30 stakeholders na inimbitahan ng komite ni Senador Grace Poe, mayorya ang nagtaas ng kamay nang tanungin kung sino ang tutol sa programa ng PPA.
Katwiran ng Alliance of Concerned Truck Owner and Organizations (ACTOO), dagdag na gastusin ang nais ng PPA dahil sa halip na direkta sa mga shipping lines, idadaan pa ang mga container truck sa yard sa Bulacan o Laguna.
Mangangahulugan aniya ito ng dagdag na P10,000 na gastos sa kanilang logistic cost.
Sinabi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang Pilipinas ang may pinakamahal na logistics cost sa mga bansa sa ASEAN at hindi makatarungan na dagdagan pa ito.
Sinabi ni PCCI President George Barcelon, ngayong mataas ang presyo ng pagkain at serbisyo, hindi napapanahon ang ganitong kautusan dahil ipapasalang din ito sa mga consumers.
Meanne Corvera