Dagdag ruta ng libreng sakay sa Metro Manila,inilalatag na
Pinag-aaralan na ng Department of transportation na dagdagan ang mga ruta ng libreng sakay sa Metro Manila.
Sa harap ito ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero oras na simulan na ang face to face classes sa Nobyembre.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty Cheloy Garafil, mas maraming pasahero ang inaasahang lalabas sa Nobyembre matapos ipag-utos ng Department of Education ang mandatory na face to face classes sa lahat ng pribado at pampublikong eskwelahan.
Sa ngayon kasi tanging ang pamasahe na lang sa bus carousel sa Edsa ang libre dahil may pondo na maaaring kunin sa savings ng DOTr.
Sinabi ni Garafil, may dayalogo na rin sila sa mga transport group para magsagawa ng rationalization o ibalik ang ilang mga ruta para sa mga bus at jeep.
Pero hindi na kasama ang mga provincial at iba pang pampublikong bus sa Edsa.
Minamadali naman aniya ngayong ng LTFRB ang pagbabayad sa mga bus company na kinontrata para sa libreng sakay.
Natagalan aniya ang pagbabayad sa ilang bus company dahil na overwhelm ang ltfrb sa service contracting program.
Sa ngayon hindi pa natatalakay ang mga petisyon para sa dagdag singil sa pamasahe dahil hindi pa nabubuo ang LTFRB board.
Meanne Corvera