Dahan-dahang pagluluwag ng Quarantine status sa NCR, inirekomenda ng OCTA Research Team sa Malakanyang
Dapat magpatupad ang pamahalaan ng dahan-dahang pagluluwag sa Quarantine classification sa Metro Manila pagkatapos ng May 14.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni OCTA Research fellow Prof. Ranjit Rye na suportado nila ang magiging pasya ng Malakanyang sakaling palawigin pa ang implementasyon ng MECQ ng isa o dalawang linggo pa o magpapatupad na ng mas maluwag na Quarantine classification.
Mungkahi ng grupo ay Calibrated slow exit strategy upang hindi naman masayang ang ilang linggong pagpapatupad na mas mahigpit na quarantine sa NCR plus at iba pang lalawigan.
Kahit aniya mag-shift sa mas maluwag na Quarantine status, kailangang mahigpit na ring nasusunod ang minimum public health standard lalu na sa mga establisimyento upang maiwasan ang hawaan.
Mas maigi aniya kung napabakunahan na ang mga papapasuking empleyado.
Binigyang-diin ni Rye na kahit pa bumaba na sa 0.67 ang reproduction number sa NCR, nananati pa ring mataas ang average daily attack at positivity rate ng Covid-19 sa Metro Manila.