Dahil sa labis na tagtuyot, suplay ng kuryente sa halos kalahati ng mga lalawigan nito pinutol ng Ecuador
Nagsuspinde ng serbisyo ng kuryente ang gobyerno ng Ecuador sa loob ng siyam na oras, sa 12 sa 24 na lalawigan nito at isinailalim naman sa red alert ang 19 na lugar, dahil sa tagtuyot na nagpabagsak sa lebel ng tubig ng kanilang hydroelectric plants.
Ang blackout sa mga lalawigan ay nagsimula ng alas-8:00 ng umaga (local time) hanggang ala-5:00 ng hapon nitong Linggo.
Bukod pa ito sa mga plano ng gobyerno na inanunsiyo noong nakaraang Martes tungkol sa walong oras na gabi-gabing pagputol sa serbisyo ng kuryente sa buong bansa mula Lunes hanggang huwebes.
Ang Ecuador ay dumaranas ngayon ng pinakamatinding tagtuyot sa bansa sa loob ng 61 taon at isang krisis sa enerhiya na pinalala ng sinasabi ng gobyerno na kakulangan ng maintenance sa mga dam at mga kontrata upang matiyak ang bagong mapagkukunan ng enerhiya.
Sinabi ng mga awtoridad sa Ecuador, na ang extra suspension ng elektrisidad nitong Linggo ay upang “maprotektahan ang water resources” ng bansa.
Ang hakbang ay ipinatupad pagkatapos ng isang sesyon ng Emergency Operations Committee noong Sabado ng gabi.
Ayon kay Environment Minister Ines Manzano, “We are in 19 provinces with shortages of water, fires and food security (issues). The corresponding entities must accept and comply with the resolution declaring a red alert.”
Matapos ipahayag ng gobyerno ang planong pagputol ng kuryente noong Martes, pinasok ng militar ang Mazar hydroelectric plant, na humigit-kumulang 170 megawatts at itinuturing na susi para sa malaking storage capacity, upang suportahan ang operasyon at protektahan ito.