Dahil sa mainit na temperatura, sikat na skating rink sa Canada, hindi magbubukas ngayong taon
Kinumpirma ng mga manager, na sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan nito ay hindi magbubukas ngayong taon ang Rideau Canal Skateway, ang pinakamalaking open-air ice rink sa buong mundo na isa ring UNESCO World Heritage Site.
Ayon sa Ottawa facility, “Despite our best efforts, the weather got the best of us for the first time in our history. We share everyone’s disappointment.”
Ang libreng Skateway, na nasa lugar na kinaroroonan din ng pangunahing monumento ng kabisera ng Canada gaya ng Parliament Hill, Senate, at Carleton University, ay isang karaniwang icy 7.9 kilometer (5 mile) thoroughfare kapag panahon ng taglamig at ipinagmamalaki ng Ottawa.
Subalit para maging ligtas upang buksan ang ice rink, kailangan na ang temperatura ay manatili sa pagitan ng -10 at -20 degrees C (14 degrees F to -4 F) sa loob ng halos dalawang linggo.
Bagama’t ang kabisera ay nakapagtala ng mas malamig na temperatura sa nakalipas na 24 oras, hindi ito sapat upang baligtarin ang isang senaryo na kinatatakutan ng maraming tao. Sinabi ng Skateway management na ang ice rink ay “nananatiling hindi ligtas para sa skating.”
Nitong kalagitnaan ng Pebrero, ang mga turista at mga residente ng Ottawa na minsan ay nag-i-skate papasok sa trabaho, ay nagpahayag ng kanilang kalungkutan.
Sinabi ng 46-anyos na si Lani Simmons na galing sa Bermuda, “I would have liked to be able to skate on it, but the best I can do now is to simply observe it.”
Sabi ng mga opisyal, sa hindi normal na mataas na temperatura kapag Disyembre at Enero, na kung minsan ay halos “below freezing,” inaasahang maitatala ngayon ng Ottawa ang ikatlong pinakamainit nitong “winter.”
Sa loob ng ilang taon, pinag-aaralan ng site officials ang mga epekto ng pagbabago ng klima sa canal at sinasabing “pinaghahandaan nila ito,” kabilang ang pagsisikap na mas maunawaan kung paano nabubuo ang niyebe.
Karaniwang accesible mula katapusan ng Disyembre sa loob ng 30 hanggang 60 araw, ang pagbubukas ng canal ay nai-atras sa mga nakaraang taon.
Noong 2020, hindi naging posible na mag-skate sa canal hanggang January 28.
Ang Rideau Canal, isang simbolo ng kasaysayan ng Canadia sa sentro ng Ottawa, ay karaniwan nang binibisita ng 22,000 katao bawat araw.
© Agence France-Presse