Dahilan ng paglubog ng MT Terra Nova sa Limay, Bataan sinimulan nang imbestigahan ng Senado
Sinimulan nang imbestigahan ng Senado ang dahilan nang paglubog ng MT. Terra Nova sa Limay, Bataan nang manalasa ang Bagyong Carina na nagresulta sa oil spill.
Partikular na nais tingnan ng Senate Committee on Environment and Natural Resources, kung may katotohanan ang alegasyon ng umano’y paihi ng barko.
Sinabi ni Senador Cynthia Villar, na chairman ng komite, dahil sa nangyaring oil spill, umabot sa mahigit one billion pesos ang economic losses laluna sa mga mangingisdang nasa mga bayan ng Bataan, Bulacan at Cavite, dahil sa kontaminasyon ng mga lamang-dagat.
Ipina-subpoena naman ng Senado ang may-ari ng dalawang oil tanker na MTKR Jason Bradley na si Romnick Ponestas at Mary Jane Ubaldo ng MV Mirola 1, dahil sa pang-iisnab sa imbestigasyon ng Senado.
Ang MV Mirola ay sumadsad sa karagatang sakop ng Bataan bago manalasa ang Bagyong Carina, habang lumubog naman ang Jason Bradley kahit naka-angkla lang.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino, na malaking kapabayaan ito sa mga kinatawan ng gobyerno, dahil pinayagang maglayag ang mga barko gayong natuklasan na pala na wala silang permit.
Iginiit naman ni Villar, na ang mga nangyaring setback sa karagatan ay malaking setback din sa pagsisikap ng gobyerno na ma-rehabilitate at ma-preserve ang Manila Bay at palakasin ang ecosystem.
Bataan Governor Jose Enrique Garcia III / Photo: bataan.gov.ph
Halos tatlong linggo matapos ang nangyaring oil spill, sinabi ni Bataan Governor Jose Enrique Garcia III, na apektado pa rin ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Katunayan aniya, ang mga nabibiling isda at iba pang seafood ay ibinabalik ng mga mamiili dahil sa lasa iyong gasolina.
Ito ay sa kabila ng clearance na inilabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na clear na para sa human consumption ang mga isda at iba pang seafoods na nahuhuli sa Bataan, Bulacan at Manila Bay.
Meanne Corvera