Dalawa ang patay, libu-libo ang walang suplay ng kuryente dahil sa pananalasa ng bagyo sa eastern US
Dalawa ang namatay, daang libo ang nawalan ng suplay ng kuryente at libu-libong flights din ang nakansela o naantala sanhi ng pananalasa ng matinding bagyo sa malaking bahagi ng silangan ng Estados Unidos.
Milyong tao rin ang isinailalim sa severe weather alerts, kasama ang tornado watches, habang ang ulan, malakas na hangin at hail storm ay bumabayo sa silangan sa kahabaan ng halos buong eastern seaboard, mula Alabama hanggang New York.
Ang National Weather Service (NWS) ay nagbigay ng prediksiyon ng isang “moderate risk” hazardous storms, na may pagbugsong aabot sa 80 miles per hour (130 kilometers per hour).
Sa social media ng NWS sa Baltimore at Washington ay nakasaad, “Stay weather aware and make sure you have multiple ways to receive warnings.”
Bagama’t humupa na ang panganib ng masamang lagay ng panahon sa nagdaang hatinggabi, ang ilang mga lugar ay nahaharap pa rin sa banta ng baha habang patuloy ang pagbuhos ng ulan.
Nag-isyu na ang NWS ng flash flood warnings para sa Washington at sa mga siyudad ng Arlington at Alexandria sa katabing Virginia.
Samantala, naitala naman sa Virginia ang tipak ng yelo o hail na ang laki ay 4.5 pulgada (11.5 sentimetro) ang diameter.
Sa Alabama, isang 28-anyos na lalaki ang namatay matapos tamaan ng kidlat sa isang industrial park parking lot, habang sa South Carolina naman ay isang 15-anyos ang nasawi nang tamaan ng bumagsak na puno sa labas ng bahay ng kaniyang lolo at lola.
Hanggang nitong Martes ng umaga, halos 600,000 customers ang nawalan ng suplay ng kuryente sa kahabaan ng East Coast, mula Pennsylvania hanggang Georgia, ayon sa tracking website na PowerOutage.us.
Ang local media at mga ahensiya ng gobyerno sa Maryland ay nagpalabas ng mga larawan ng natumbang mga linya ng kuryente sa mga kalsada, at mga punong natumba sa mga bahay, mga kalsada at rail lines.
Inaasahan din ang katulad na mga pinsala sa iba pang estado sa timog, kung saan ang electric utility na Georgia Power ay nagpalabas ng mga larawan ng mga nagtumbahang puno na nagpabagsak naman sa mga linya ng kuryente dahil sa hailstorm, malakas na hangin at ulan.
Ayon sa nasabing electric utility, “Our crews are working safely and as quickly as possible to get the lights back on.”
Kahapon naman, Lunes, ay higit sa 1,700 US flights ang kinansela at higit 8,000 ang naantala habang papalapit ang sama ng panahon.
Sa Washington ay maagang pinauwi ng federal agencies ang mga empleyado bilang paghahanda sa bagyo.
Ang bagyo ay dumating habang ang malaking bahagi ng katimugang Estados Unidos kabilang ang Texas, Louisiana at Florida ay dumaranas naman ng labis na init, kung saan ang temperatura ay umabot sa 108 degrees Fahrenheit (42 Celsius) na hinulaang tatagal hanggang ngayong araw.
Ayon sa mga siyentipiko, pinalalala ng climate change ang tindi at dalas ng “extreme weather events” sa buong mundo.