Dalawa patay sa shooting incident sa Japan army training range
Dalawang sundalo ang namatay habang sugatan naman ang isa pa, nang magpaputok ang isang kapwa nila recruit sa isang training range sa central Japan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Ground Self-Defense Force (GSDF), “During a live-bullet exercise as part of new personnel training, one Self-Defense Forces (SDF) candidate fired at three personnel. The death of another person has been confirmed of the three who were shot at.”
Nauna rito, sinabi ng government spokesman na si Hirokazu Matsuno na isang suspek ang nakaditini na, ngunit wala nang iba pang detalyeng ibinigay.
Ayon sa lokal na pulisya, ang namaril ay isang 18-anyos na SDF candidate na agad idinitini noon din ng iba pang mga sundalo.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng lokal na pulisya na ayaw magpakilala, ang suspek ay nasampahan na ng kasong tangkang pagpatay sa isang 25-anyos na sundalo.
Ayon sa tagapagsalita, pinaputukan ng suspek ang biktima na may intensiyong pumatay.
Sa ulat naman ng National broadcaster na NHK, ang nasugatan ay isang lalaki na nasa kaniya nang 50s, habang ang dalawang iba pang lalaki ay nasa kanila nang 20s.
Ang training range ay pinangangasiwaan ng Camp Moriyama ng rehiyon at isa itong covered facility na mayroong higit 65,000 metro kuwadrado.
Ang violent crime sa Japan ay napakabihira at ang pagmamay-ari ng baril ay mahigpit na kinokontrol, subalit ilang high-profile incidents ang yumanig sa bansa noong isang taon.
July 2022, habang nasa isang kampanya, ay binaril patay ng isang lalaki si dating prime minister na si Shinzo Abe, dahil umano sa kaugnayan nito sa Unification Church.
Noong Abril, nakaiwas nang hindi nasaktan si Prime Minister Fumio Kishida, matapos na maghagis ang isang lalaki ng isang explosive device sa kaniyang direksiyon sa isang campaign event.
Ang insidente ay nangyari pagkatapos maging host ng Japan sa Group of Seven leaders’ summit sa Hiroshima, na nagresulta sa mga panibagong panawagan ng mas paghihigpit pa sa seguridad.
Nito namang nakalipas na buwan, idinitini ng mga pulis sa Nagano region sa kanluran ng Tokyo ang isang lalaki, makaraan ang isang oras na knife at shooting rampage, na sinundan ng isang extended stand-off.
Apat katao ang napatay ng nasabing lalaki, kabilang ang dalawang pulis bago siya naiditini. Napaulat na siya ay anak ng tagapagsalita ng isang local city assembly.