Dalawa patay, tatlo nawawala dahil sa malakas na mga pag-ulan sa Spain
Dalawa katao ang namatay at tatlo ang nawawala, matapos bumuhos ang malakas na ulan sa Spain, na nagdulot ng mga flash flood.
Halos buong bansa ang naapektuhan ng bagyo, kung saan nitong Linggo ay naitala ang pinakamalakas na pag-ulan sa coastal provinces ng Cadiz, Tarragona at Castello.
Sinabi ng pinuno ng regional government ng Castilla La Mancha, na ang dalawang nasawi ay mula sa central province ng Toledo ngunit wala nang ibinigay na iba pang detalye.
Sa ulat ng Spanish media, isang lalaki ang natagpuang patay ng pulisya habang nagsasagawa ng rescue operations sa isang kalsada malapit sa bayan ng Bargas, habang isa pang lalaki ang namatay habang tinatangka ng mga rescuer na puntahan siya sa bayan ng Casarrubios del Monte.
Ayon naman sa tagapagsalita mula sa emergency services ng Madrid na si Javier Chivite, hinahanap nila ang isang lalaking nawala makaraang tangayin ng umapaw na ilog ang kaniyang sasakyan sa rural area ng Aldea del Fresno sa kanluran ng Madrid.
Natagpuan ng mga bumbero sa itaas ng isang puno ang 10-taong gulang nitong anak na lalaki na lulan din ng sasakyan at unang napaulat na nawawala rin.
Una nang nailigtas ng emergency services ang ina ng bata at kapatid nitong babae.
Sinabi ng pinuno ng regional government ng Madrid na si Isabel Diaz Ayuso, “The poor boy spent the night perched in a tree. The family, who live in the Madrid suburb of Alcorcon, were staying at a holiday home they own in Aldea del Fresno when the storm hit. They took to the road because they became alarmed by the flash flooding.”
Ilang tulay din ang nag-collapse sa Aldea del Fresno at maraming sasakyan ang tinangay ng rumaragasang tubig baha.
Samantala, hinaharap din ng pulisya ang isang 83-anyos na lalaki na tinangay ng baha sa katabing bayan ng Villamanta, maging ang isang babae na nawala sa bayan ng Valmojado sa Toledo.
Isang helicopter naman ang ipinadala upang iligtas ang mga tao na nasa bubungan ng kanilang bahay sa Toledo.
Noong Linggo, ang mga residente sa rehiyon ng Madrid ay nakatanggap ng isang emergency text sa Spanish at English na may kasamang malakas na alarma na humihimok sa kanila na huwag gamitin ang kanilang sasakyan at manatili sa kanilang bahay dahil sa “matinding panganib ng mga bagyo.”
Iyon ang unang pagkakataon na gumamit ang mga awtoridad ng mobile phone alert system.
Nitong Lunes ay ilang bilang ng metro lines sa Madrid ang isinara sa panahon ng morning rush hour dahil sa bahang dulot ng magdamag na malakas na mga pag-ulan, bagama’t noong bandang hapon ay iilan na lamang sa mga istasyon na malapit sa Manzanares River ang namalaging sarado.
Muli namang nagbukas nitong Lunes ang high-speed rail links sa pagitan ng Madrid at ng southwestern region ng Andalusia sa east coast region ng Valencia, na isinara noong Linggo, bagama’t mabagal ang takbo ng mga tren sa ilang bahagi, ayon sa railway operator.
Mula sa isang maximum red alert noong Linggo, ay ibinaba na ng state weather office ang kanilang alert level sa yellow para sa Madrid region, makaraang humina ang mga pag-ulan nitong Lunes.
Pinasalamatan naman ni Spanish Prime Minister Pedro Sanchez ang emergency services, at hinimok ang mga tao na mamalaging nag-iingat.