20 miyembro ng CPP/NPA sa Camarines Norte, sumuko sa pamahalaan
Nagbalik loob sa pamahalaan ang 20 miembro ng CPP/NPA, kasabay ng pagsuko ng kanilang mga armas sa ginanap na programa sa Camarines Norte Provincial Police Office, sa Barangay Dogongan, Daet, Camarines Norte.
Malugod namang tinanggap nina Provincial Police Director Col. Julius Guadanamor, Regional Police Director Brig. Gen. Bartolome Bustamante at Camarines Norte Governor Edgardo Tallado, ang nagsisukong mga rebelde.
Nagkaroon ng signing of manifesto at matapos ito ay sinunog ng mga rebelde ang symbolic effigies at mga bandila ng CPP/NPA.
Sabay-sabay din na nagpalipad ng kalapati ang mga dumalo sa okasyon, upang ipahayag ang kapayapaan at iwinagayway ang maliliit na bandila ng Pilipinas, bilang simbolo ng kalayaan at kasarinlan ng bansa.
Pinasalamatan naman nina Gov. Tallado, Col. Guadanamor at Brig. Gen. Bustamante ang mga dumalo, at hinikayat ang mga natitira pang CPP/NPA sa mga kagubatan na sumuko na rin, para sa ganap na kapayapaan upang makamit ang mas maunlad na pamayanan.
Ulat ni Orlando Encinares