Dalawampu’t limang milyong pisong halaga ng iba’t ibang produkto nasabat sa raid ng DTI
Aabot sa higit 25 milyong pisong halaga ng iba’t ibang produkto gaya ng mga appliance sa bahay at iba pa, ang nasabat sa magkakahiwalay na raid ng Task Force Kalasag ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Valenzuela, Plaridel, Bulacan at Tanza, Cavite.
Sa ginawang raid sa Tanza, naabutan ng Task Force ang kaibigan ng may-ari ng warehouse, depensa nya iba’t ibang seller ang may-ari ng mga produkto na karamihan ay nasa China.
Nag-apply na rin aniya ang mga ito para makakuha ng ICC marking.
Ayon sa DTI, sinuri ng kanilang labortaryo ang sample ng mga produkto at nakitang substandard ang mga ito.
Sinabi ni Atty Fhillip Sawali, direktor ng Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI, “Gaya ng sinabi natin para makatiyak tayong mga mamimili na makakuha ng produktong lehitimo, tiyakin na ang nagtitinda, nagre-retail na ang produkto ay kabilang sa mandatory certifiable DTI, tiyakin na merong PS mark o ICC.”
Sa pulong balitaan ay iprinisita ng mga opisyal ng DTI sa pangunguna ni Sec. Alfredo Pascual, ang ilang nasabat na produkto.
Walang label, makikita lang ang nakasulat na chinese characters pero walang english translation na ayon sa DTI ay paglabag din.
Ayon pa sa DTI, nakatanggap sila ng reklamo na ang mga produktong ito na hindi dumaan sa pagsusuri ay ibinebenta online.
Kaya ayon kay Pascual, pag-aaralan ng DTI kung paano matitiyak ang proteksyon ng e-consumers.
Ayon kay Pascual, “We will have to come up with rule sa advertise online label, should be part of available description and photos of the items.”
Ang mga nasabat na produkto ay itatabi muna habang patuloy ang imbestigasyon.
Ang may-ari ng mga nasabat na produkto ay pwedeng maharap sa kasong administratibo at mapagmulta depende sa dami ng nahuli.
Madz Villar-Moratillo