Dalawang Afghan police patay matapos tamaan ng pagsabog sa Kabul
KABUL, Afghanistan (AFP) – Dalawang Afghan police ang namatay sa tatlong magkakahiwalay na pagsabog sa Kabul nitong Sabado.
Nasawi ang dalawang pulis nang sumabog ang isang sticky bomb na ikinabit sa kanilang pick-up truck, sa central district ng Kabul.
Ayon sa police spokesman na si Ferdaws Faramarz, may isang sibilyan ding nasugatan sa pagsabog.
Dalawang security personnel naman ang nasugatan sa kaparehong bomb attack, na ang target ay ang ikalawang police pick-up truck sa western district ng Kabul.
Sinabi ni Faramarz, na ang ikatlong bomba ay sumabog din sa naturang syudad subalit walang naging casualties.
Nitong mga nakalipas na buwan, ang Kabul at iba pang mga lalawigan ng Afghanistan ay niyanig ng mga karahasang nagdulot ng pagkamatay gaya ng mga pambobomba, rocket attacks at targeted killings.
Ilan sa mga nabanggit na pag-atake laluna sa Kabul, ay inaangkin ng jihadist Islamic State group.
Tumaas ang bilang ng mga mamamahayag, politiko at rights activists na nagiging target ng mga pag-atake habang lumalala ang mga karahasan sa Afghanistan, sa kabila ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng Taliban.
Ang usapang pangkapayapaan na nagsimula noong September 12 sa Doha, Qatar ay tigil muna sa ngayon hanggang sa mga unang bahagi ng Enero ng susunod na taon.
© Agence France-Presse