Dalawang bilanggo na nakalaya dahil sa GCTA Law, haharap sa pagdinig ng Senado sa susunod na linggo
Kinumpirma ni Senate president Vicente Sotto na dalawang bagong testigo ang haharap sa susunod na pagdinig ng Senado sa Huwebes.
Ang dalawa ay pawang mga bilanggo na napalaya matapos magbayad gamit ang Good Conduct Time Allowance law.
Sumuko na aniya sa mga otoridad ang dalawang bilanggo na inaasahang magdedetalye kung sino ang kanilang mga bnayarang opisyal.
Sinabi ni Sotto na lumapit sa kaniya ang emisaryo ng dalawa para patunayan na may nangyayaring bentahan ng GCTA.
Nanghihinayang naman si Sotto dahil umatras ang isang grupo ng mga opisyal ng BuCor ang nagbalak tumestigo kahapon.
Inihayag ng Senador na bago ang pagdinig kahapon sa GCTA at Hospital Passes for sale, nakipag usap sa kanila ni Senator Panfilo Lacson ang nasabing mga Bucor officials at nangakong magsasalita pero biglang umurong.
Hinala ni Sotto, umurong ang mga testigo dahil sa takot dahil sa mga kaso ng pananakot at pagpatay.
Isa sa tinukoy ni Sotto ang pananaksak sa isang Bucor Officer kahapon ng umaga na tatay pala ng isang Senate Security personnel.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Justice at Blue Ribbon committee, sisimulan na nila ang bumalangkas na sila ng partial committee report at posibleng ilabas ito sa Lunes.
Bukod sa mga Bucor officials, kasama sa posibleng irekomenda nilang makasuhan si Senador Leila de Lima.
Ulat ni Meanne Corvera