Dalawang brand ng bakuna, pinag-aaralang bilhin ng Gobyerno sa unang quarter ng 2021
Kinumpirma ni Senador Christopher Bong Go na dalawang uri ng bakuna laban sa Covid-19 ang pinag-aaralang bilhin ng Gobyerno.
Ayon sa Senador, nakausap niya sina Vaccine Czar Carlito Galvez at Health secretary Francisco Duque III at sinabing posibleng maisara na ang kontrata sa dalawang vaccine companies sa unang quarter ng susunod na taon.
Wala pa aniyang datos kung gaano karami ang unang bibilhinng bakuna pero maaari naman aniya itong maragdagan pagpasok ng Abril hanggang Hunyo.
Tiniyak ng Senador na oras na dumating ang bakuna, prayoridad ng Gobyerno na mabigyan ang mga frontliners at mga vulnerable sector.
Paglilinaw ng Senador, libre ang bakuna para sa mga mahihirap.
Tiniyak rin nitong ligtas at efficient ang mga bakuna bago ito iturok.
Senador Bong Go:
“Para sa akin unahin ang frontliners, mahihirap, vulnerable, guro, lalo na po mahihirap na wala namang pambili at di alam ang accessibility nito dahil di nila alam saan kukuha at gagawin natin libre ito sa mga mahihirap ang mayayaman kaya naman bumili. importante ang safety at efficacy bago iturok”.
Iminungkahi naman ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Committee on Labor na isama sa priority ang mga Construction at Factory workers.
Ang sektor aniya na ito ang katuwang ng gobyerno na matiyak na may mabibiling pagkain sa merkado at kritikal sa pag-usad ng ekonomiya.
Araw-araw rin aniya silang nagko-commute at malaki ang panganib na mahawaan sila o magpakalat pa ng virus.
Meanne Corvera