Dalawang Chinese, arestado ng NBI dahil sa serious illegal detention
Inaresto ng National Bureau of Investigation o NBI anti-organized and transnational crime division ang dalawang chinese nationals dahil sa kasong serious illegal detention.
Ito ay matapos iditene ng mga suspek na sina Su Kianshui alyas Ah Sin at Chenwin Bin ang 2 kapwa Chinese nationals sa isang bahay sa Parañaque City.
Ang kaso laban sa mga dayuhan ay nag-ugat sa ulat na natanggap ng NBI na maaaring sangkot sa iligal na aktibidad ang mga ito.
Batay sa report, nangangailangan ng bodyguards ang Cyx Manpower services na may address sa Diplomat condominium sa Pasay City.
Ayon sa NBI, nang ipakilala ang mga hired bodyguards sa mga chinese suspects ay sinabi sa mga ito na ang mga babantayan nilang mga tao ay nasa isang kwarto at hindi sila dapat payagan na makatakas dahil mayroong utang ang mhga ito na milyun-milyon sa kanilang magiging amo.
Sa halip na interbyuhin ang mga body guards ay ipina-demo sa kanila kung paano gumamit ng posas.
Ikinasa ng NBI ang rescue operation sa mga biktima noong January 19 matapos matanggap ang ulat na may dinalang nakaposas na Chinese coupla sa bahay sa Moonwalk, Parañaque city mula sa Scape building sa Pasay.
Sinabi ng mga biktima na inakusahan sila ni Su Jianshui sa pagkawala ng halagang katumbas ng 5.5 milyong piso na kanila namang itinanggi.
Nadakip naman ng mga tauhan ng NBI ang mga suspek sa ikinasang follow up operation sa Shell residence sa Pasay.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===