Dalawang dayuhan na gumamit ng pekeng dokumento ipapadeport ng Bureau of Immigration
Nakatakdang ipa-deport ng Bureau of Immigration o BI ang dalawang dayuhan na nadiskubreng gumagamit ng pekeng travel documents.
Inaresto ng mga tauhan ng Immigration sa magkahiwalay na okasyon sa NAIA ang isang Liberian at isang Indian national na nadiskubreng gumagamit ng pekeng pasaporte.
Ang dalawa ay kinilala na sina Frederick Buchester, singkwentay tres anyos na isang Liberian at ang Indian na si Ravinder Kumar, 30- anyos.
Sinabi ni Marc Red Mariñas- BI Port Operations Division Chief, Inaresto ang mga ito noong isang Linggo matapos magtangkang umalis ng bansa dahil sa pekeng travel documents.
Gumamit si Buchester ng pekeng Liberian passport habang si Kumar ay gumamit ng pekeng Canadian Visa papunta sanang Toronto.
Nakaditene ang dalawa sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang nagpapatuloy ang deportation proceedings laban sa mga ito.
Ulat ni Moira Encina