Dalawang dayuhang TNVS na illegal na nag-ooperate sa bansa , pinatitigil at binabantayan ng LTFRB
Nakipag-ugnayan na ang Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB sa Department of Information Communications Technology o DICT at Philippine National Police Highway Patrol Group o PNP-HPG upang matigil na ang ilegal na operasyon sa bansa ng dalawang dayuhang Transport Vehicle Network Service o TNVS.
Ibinunyag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz na ang Russian base na In Drive at Maxim ay walang kaukulang pahintulot sa transport regulatory ng Pilipinas kaya colorum at ilegal ang kanilang operasyon.
Sinabi ni Guadiz na pinakansela na ng LTFRB sa DICT ang kanilang ginagamit na online application at hinuhuli narin ng PNP HPG ang mga units na ginagamit na kinabibilangan ng kotse, van at motorsiklo.
Ayon kay Guadiz ang In Drive at Maxim ay mayroong transport operations sa Metro Manila, Baguio, Bacolod, Pampanga, Batangas, Cebu at Cagayan de Oro.
Inihayag ni Guadiz impounded na ng mga otoridad ang mga nahuling units ng In Drive at Maxim at ang mga Driver ay kumpiskado narin ang kanilang drivers license at nanganganib na marevoke at hindi na makapagmaneho.
Nanawagan si Guadiz sa publiko na huwag tangkilikin ang serbisyo ng In Drive at Maxim dahil walang anomang makukuhang benipisyo kung masangkot sa aksidente.
Naniniwala si Guadiz na mabilis na tinangkilik ng publiko ang In Drive at Maxim transport at food service dahil mura ang charge na sinisingil kumpara sa mga lehitimong TNVS sa bansa.
Vic Somintac