Dalawang Japanese na wanted sa mga kasong robbery, naipadeport na
Tuluyan nang naipadeport ng gobyerno ng Pilipinas ang dalawa sa apat na Hapon na wanted sa mga kasong robbery, theft, at fraud sa Japan.
Pasado 9:00 umaga ng Martes, Pebrero 7 ay nag-board na sa Japan Airlines flight sina Toshiya Fujita at Kiyoto Imamura.
Guwardiyado ang deportees ng siyam na Japanese police.
Magkahiwalay na isinakay sa eroplano ang dalawa na naka-bullet proof vest
Nagmula sa detention center ng Bureau of Immigration (BI) sa Taguig City ang mga Hapon sakay ng dalawang hiwalay na van pagpunta sa NAIA Terminal 1.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, wala nang nakabinbin na mga kasong kriminal laban kina Fujita at Imamura matapos ito na mabasura ng mga korte kaya wala nang hadlang sa kanilang deportasyon.
Si Imamura ay naharap sa kasong anti-violence against women and children habang si Fujita ay mga kasong estafa, light threats at anti-violence against women and children (VAWC).
Tinawag ni Remulla na “historical” ang deportasyon dahil wanted o subject ng deportasyon ang dalawa mula pa noong 2019.
Samantala, inaasahang maipapadeport na sa Miyerkules, Pebrero 8 ang dalawa pang pugante na sina Yuki Watanabe at Tomonobu Saito.
Ito ay matapos na ibasura na rin ng korte sa Pasay nitong Martes ang VAWC cases laban sa mga ito.
Ipinakita ng kalihim sa media ang mga kopya ng dalawang resolusyon ng Pasay City Regional Trial Court Branch 109 na pumapabor sa mosyon ng prosekusyon na ma-dismiss ang mga kaso laban kina Watanabe at Saito.
Inaresto ng NBI noong Mayo 2021 sina Watanabe at Saito dahil sila ay nasa blue notice ng Interpol at wanted sa Japan dahil sa mga kasong robbery at fraud.
Pabiro pang sinabi ng kalihim na bukas ay makakauwi na sa Japan si alyas Luffy.
Hindi naman binanggit ng kalihim kung sino si alyas Luffy na sinasabing utak o nagbibigay ng utos sa pagsasagawa ng pagnanakaw gamit ang encrypted messaging app.
Pero isa aniya ito sa apat na pugante na ang Japanese authorities na ang tutukoy.
Si Watanabe ang una nang napaulat na si alyas Luffy.
Ikinatuwa naman ni Remulla ang pagkatig ng hukom sa mosyon ng DOJ na mabasura ang kaso laban kina Watanabe at Saito.
Tiwala rin ang kalihim na hindi na mababaligtad ang desisyon ng korte o ito ay iaapela sa pamamagitan ng motion for reconsideration kaya wala nang legal na balakid para sa deportasyon ng dalawa pang Hapon.
Inihayag pa ni Remulla na nai-turnover na rin ng kagawaran sa Japanese Embassy at police nitong Martes ang mga ebidensya tulad ng 24 na cellphones, tablets at iba pang paraphernalia na nakumpiska mula sa apat habang nakaditene sa BI facility.
Nasiyahan naman ang kalihim sa naging paghawak ng DOJ sa deportasyon ng apat na Japanese dahil naaksyunan nila ito sa loob lang ng 11 araw mula nang maabisuhan ukol sa isyu.
Umaasa ang DOJ na ang deportasyon sa apat na dayuhan ay magsilbing hudyat sa international community na ang Pilipinas ay handa na labanan ang kriminalidad at tapat ito sa pagsisikap nito na masawata ang mga iligal na taktika para dungisan ang kredibilidad ng justice system ng bansa.
Moira Encina