Dalawang kabataang lalaki sa Tarlac, nagsauli ng napulot na bag na may lamang higit P15,000
Bagama’t bagsak ang ekonomiya ng maraming bansa sa mundo bunsod ng pandemya, at maraming tao ang nahihirapang kumita ng pera, hindi ito naging dahilan para gumawa ng masama ang dalawang kabataang lalaki sa Tarlac.
Hindi pinag-interesan ng dalawang kabataang lalaki na miembro ng Kabataan Kontra Droga At Terorismo o KKDAT ng Mayantoc Municipal Police Station, sa Mayantoc Tarlac ang napulot nilang bag na naglalaman ng kabuuang 15,750.00 pesos.
Sa isinumiteng report ni Pol. Captain Roger G. Alfiler, acting chief of police sa naturang bayan kay Pol. Col. Renante Corpuz Cabico, PNP Provincial Director ng Tarlac,, ang napulot na bag ay dinala nina Cristian Mercado at Niel Gian Agustin, kapwa residente ng Barangay San Jose, Mayantoc, Tarlac, sa istasyon ng pulisya.
Ang bag na napulot nila habang bumibili ng tansi para sa grasscutter sa isang hardware sa Barangay Poblacion Sur ng nasabing bayan, ay hindi nila pinagtangkaang buksan.
Ayon kay Pol. Cpl. Louie Esteban, Radio Operator on duty, agad niyang tinawagan ang may-ari batay sa impormasyon na nasa ID mula sa bag, kung saan napag-alaman na ang nagmamay-ari ay si Ginang Teresa Fe Manuel ng Barangay Cub-cub ng nasabing bayan.
Laking pasalamat ni Ginang Manuel sa dalawang kabataan na may busilak at tapat na puso na kahit naghihirap ngayong panahon ng pandemya ay hindi sila natukso sa lamang salapi ng bag na kanilang napulot.
Ayon pa kay Pol. Captain Alfiler, ang mga KKDAT member at mga pulis sa Mayantoc, ay nagkakaisa sa layuning pagmalasakitan ang kapwa at gumawa ng mabuti, may nakakakita man o wala.
Anna Diana Soriano