Dalawang linggong unified curfew, ipatutupad sa Metro Manila simula March 15
Simula sa Lunes, March 15, magpapatupad na ng iisang curfew sa Metro Manila na magsisimula ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Ito ang napagkasunduan sa ipinatawag na pulong ng mga alkalde sa Metro Manila kagabi.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, layon nitong mapababa ang patuloy na pagsirit ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa Metro Manila.
Tatagal ang curfew ng dalawang linggo.
Sa loob ng dalawang linggo, paiigtingin rin ang contact tracing at mas mahigpit na pagpapatupad ng health protocols.
Magpapakalat naman ang MMDA at Philippine National Police ng 300 contact tracers para tumulong sa mga Local Government Units (LGU) na mahanap ang mga posibleng carrier ng virus para hindi na makapanghawa.
Nauna nang sinabi ng ilang eksperto sa OCTA Research group na pinangangambahang umabot sa 5,000 ang kaso ng Covid-19 kada araw bago matapos ang Marso.
Meanne Corvera