Dalawang militanteng akusado ng pagpatay sa mga dayuhan, idinitini ng Philippine military
Dalawang Islamic militants na akusado ng pagdukot at pagpatay sa apat na mga dayuhan sa katimugang bahagi ng Pilipinas, ang idinitini matapos sumuko sa militar.
Sinabi ni regional military spokesman Alaric Delos Santos, na ang dalawa na miyembro ng kinatatakutang kidnap-for-ransom group na Abu Sayyaf ay inilipat na sa pulisya sa isla ng Jolo sa lalawigan ng Sulu.
Ayon kay Delos Santos . . . “Their surrender does not extinguish their responsibility for these cases. That’s why we turned them over to the police.”
Ang Abu Sayyaf ay isang loose group ng mga rebeldeng Muslim, ang ilan sa kanila ay kaalyado ng grupong Islamic State , na nagsagawa ng mga pambobomba at kidnap-for-ransom sa nakalipas na tatlong dekada.
Ang dalawang suspek na nakilalang sina Almujer Yadah at Ben Quirino, ay akusado ng pagdukot at pagpatay noong November 2016 sa German sailor na si Jurgen Kantner at sa babaeng ka-partner nito na kaniya ring kababayan.
Ang katawan ng babae ay natagpuan na may mga tama ng bala ng baril, na lulan ng isang yateng palutang-lutang sa Sulu Sea na sinakyan din ng mga kidnapper.
Si Kantner naman ay dinala sa Jolo at pinugutan ng ulo ng mga bumihag sa kaniya sa mga unang bahagi ng 2017, makaraan ang pagtatangkang humingi ng ransom.
Ang dalawa rin umano ang pumatay sa Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, na dinukot noong September 2015 kasama ng Pinay na kasintahan ni Hall at isang lalaking Norwegian mula sa isang tourist resort.
Pinugutan din ng ulo ng Abu Sayyaf sina Ridsdel at Hall noong 2016, at kalaunan ay pinalaya ang babae at ang Norwegian na kapwa hindi naman nasaktan.
Sinabi ni Delos Santos, na wala nang insidente ng pandurukot sa rehiyon sa nakalipas na dalawang taon, at humigit-kumulang 20 Abu Sayyaf militants na lamang ang nago-operate sa lugar.
Ang grupo ay kilala sa pagkalap ng milyun-milyong dolyar na ransom para pondohan ang kanilang armed campaign at sa nakalipas na mga taon, ay tinarget nila ang merchant ships sa timog at nandukot ng mga Malaysian, Indonesian at Vietnamese crewmen.
Noong May 2017, nakubkob ng Abu Sayyaf gunmen kasama ng iba pang pro-Islamic State allies ang sentro ng Marawi City, ang Islamic capital ng bansa.
Nagbunga ito ng limang buwang labanan na sumira sa malaking bahagi ng lungsod at naging sanhi ng pagkasawi ng libu-libong tao, bago muling nabawi ng puwersa ng gobyerno sa tulong ng intelihensiya ng US military.
Sa isang pahayag ng militar, kabuuang 67 Abu Sayyaf members na sa Sulu ang sumuko ngayong taon.