Dalawang miyembro ng CPP- NPA na nahulihan ng mga baril at pampasabog, hinatulan guilty ng korte
Sinentensyahan makulong ng korte sa Roxas, Oriental Mindoro ang dalawang miyembro ng CPP- NPA.
Ang kaso ay nag-ugat matapos mahuli ng Philippine Army sina Arnulfo Aumentado alyas Aryo/Inod at Mary Joyce Lizada alyas Louise ng mga baril at pampasabog noong Abril 26, 2023 sa Barangay Santa Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), noong una ay naghain ng not guilty plea sina Aumentado at Lizada sa kasong illegal possession of improvised explosive devices and class-A light weapons.
Pero kalaunan sa payo ng mga abogado ng mga akusado ay pumayag ang mga ito na pumasok sa plea bargain agreement sa prosekusyon.
Sa plea bargain deal, naghain ng guilty plea ang mga akusado sa mas mababang paglabag na Unauthorized Issuance of Authority to Carry Firearm and Ammunition Outside of Residence at Illegal Transfer/Registration of Firearms.
Sa desisyon ng Roxas, Oriental Mindoro Regional Trial Court Branch 43, hinatulang mabilanggo ng isang taon sa bawat krimen ang mga akusado.
Moira Encina- Cruz