Dalawang opisyal at legal ng Argo Trading na sangkot sa negosyo ng sibuyas pinatawan ng contempt sa Kamara
Ipina-contempt ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Congressman Mark Enverga ang dalawa sa opisyal ng Argo trading.
Si SAGIP Partylist Representative Rodante Marcoleta ang nag mosyon para i-cite in contempt sina Argo Trading President Efren Zoleta Jr., operations manager na si John Patrick Sevilla at legal counsel na si Atty. John Ryan Cruz.
Ito’y matapos hindi maisumite ng Argo trading ang hinihinging mga dokumento patungkol sa kanilang kliyente at inventory ng sibuyas na inimbak sa kanilang pasilidad.
Sa naunang paliwanag ni Sevilla, sinabi umano ng kanilang abogado na hindi maaaring ibigay ang naturang mga dokumento dahil may confidentiality agreement sa kontrata.
Ngunit nang bigyan ng oras si Sevilla para isumite sa House Committe on Agriculture and Food ang hinihinging listahan lumalabas na wala naman palang confidentiality agreement sa dokumento.
Kaya naman pinagbotohan ang pagpapa-contempt sa kanila at 35 mambabatas ang bumoto pabor sa mosyon ni Marcoleta.
Sampung araw na idedetine ang naturang mga indibidwal sa Kamara.
Personal namang inasistehan ni House Sgt. at Arms Napoleon Taas si Sevilla palabas ng committee hearing.
Habang si Zoleta at Atty. Cruz ay ipinahahanap at ipinaaaresto na rin ng House Committe on Agriculture and Foods.
Sinabi naman ni Quezon Congressman David Jayjay Suarez na magsilbi sanang babala ang contempt power ng kongreso sa mga resource person na makipagtulungan sa komite sa layuning maresolba ang isyu sa manipulasyon ng presyo at suplay ng sibuyas.