Dalawang opisyal ng Philippine Children’s Medical Center, hiniling ng PAO na maisama sa second batch ng Dengvaxia complaints
Naghain ng mosyon sa DOJ ang mga magulang ng mga batang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia para isama sa second batch ng kaso ang dalawang opisyal ng Philippine Children’s Medical Center.
Sa motion to implead na inihain ng mga magulang sa pamamagitan ng Public Attorneys Office, hiniling nila isama sa mga kinasuhan sina Dr. Raymundo Lo at Dr. Sonia Gonzales dahil ang mga ito ang ilang John Does sa kanilang reklamo na mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagbili ng Dengvaxia vaccines.
Ayon sa PAO, sina Dr. Lo at Dr. Gonzales ang nakalagda sa purchase request noong Enero 2016 para bumili ng mahigit tatlong bilyong piso halaga ng anti-Dengue vaccines.
Nais ng mga magulang na makasuhan din ang dalawang opisyal ng PCMC ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide at mga paglabag sa Anti-Torture Act.
Kasama sa isinumiteng ebidensya ng PAO laban sa dalawa ang purchase request ng PCMC.
Pag-aaralan ng DOJ panel of prosecutors kung isasama sina Lo at Gonzales sa ikalawang batch ng Dengvaxia complaints.