Dalawang pang pulis na isinasangkot sa maanomalyang courier service contract ng PNP noong 2011 inabswelto ng CA
Inabsuwelto ng Court of Appeals Fourth Division ang dalawa pang opisyal ng PNP na nasibak sa serbisyo kasama ni dating PNP Chief Alan Purisima at iba pa dahil sa maanomalyang courier service contract noong 2011.
Sa desisyon ng CA, pinaboran nito ang petition for review na inihain nina Police Supt. Nelson L. Bautista at Police Chief Insp. Ricardo S Zapata Jr., at binaligtad ang ruling ng Office of the Ombudsman noong June 2015 na nagtatanggal sa kanila sa serbisyo.
Ang dismissal order laban sa dalawa at sa iba pang PNP Officers sa PNP Firearms Explosive Office ay nag-ugat sa kontrata na pinasok ngPNP sa Werfast Documentary Agency bilang courier delivery firm para sa pagpapabago ng lisensya sa baril.
Iginiit ng mga petitioner na hindi sila nakipagsabwatan sa mga kasamahan nila sa FEO para i-accredit ang Werfast.
Kinatigan ng Appellate Court sina Bautista at Zapata at sinabing walang iregular sa accreditation ng FEO accreditation committee sa Werfast kung saan miyembro ang dalawa.
Una nang pinawalang sala ng CA sa nasabing anomalya si dating PNP Firearms and Explosives Office Chief Superintendent Raul Petrasanta.
Ulat ni: Moira Encina