Dalawang piso kada minutong “waiting charge” ng Grab, ipinatigil na ng LTFRB
Ipinatigil na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang ipinapataw na 2 pesos per minute per kilometer na waiting time ng Grab Philippines.
Ayon kay LTFRB chair Martin Delgra, ito’y habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa naturang isyu na una nang inireklamo ni PBA Partylist representative Jericho Nograles.
Sa inisyal na imbestigasyon ng LTFRB, lumilitaw na ipinatupad ng Grab ang naturang dagdag singil noon pang nakaraang taon kahit walang approval mula sa kanilang tangapan.
Iginiit ni Delgra na hindi tamang ipataw sa mga pasahero ang mga dagdag bayarin na hindi kasama sa inaprubahang pamasahe.
Nauna nang iginiit ng Grab na hindi umano labag sa batas ang ipinataw nilang dagdag singil dahil inaprubahan umano ito ng LTFRB batay sa inilabas nitong Department order 2015-011, kung saan pinapayagan ang mga transport network company na magtakda ng kanilang singil sa pamasahe.
Ulat ni Meanne Corvera