Dalawang subdivision sa Bacoor, Cavite, isinailalim sa lockdown matapos magpositibo sa Delta variant ang 2 residente nito
Isinailalim sa lockdown ang dalawang subdivision sa Bacoor city sa Cavite.
Ito ang ipinag-utos ni Mayor Lani Mercado-Revilla matapos makarating sa kanila ang impormasyon na may dalawang residente sa lungsod ang nagpositibo sa Delta variant ng Covid-19.
Partikular na isinailalim sa granular lockdown ang BF-EL Grande subdivision sa Barangay Molino- 6 at Addas 2-C sa Barangay Molino 2.
Ang lockdown ay nagsimula kaninang hatinggabi ng July 24 at tatagal ito hanggang July 26.
Ayon sa alkalde, may 250 pamilya sa Addas 2-C habang aabot naman sa may 900 pamilya sa El Grande na kinakailangang manatili muna sa kanilang mga bahay.
Ito ay para bigyang-daan ang inilulunsad ang contact tracing upang matukoy ang mga nagkaroon ng close contact sa dalawa.
Magsasagawa rin aniya ng mass swab testing sa mga nasabing lugar upang matukoy agad ang sinumang maaaring nagpositibo sa virus.
Maghahatid naman ng relief goods ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.
Magkakaroon din ng disinfection sa buong area upang mabawasan ang pagkalat ng anumang virus.
Umapila ang alkalde sa mga residente na makipagkaisa at kung may schedule ng bakuna kontra Covid-19 ay ipagpaliban muna ito.
Kung meron namang makaramdam ng sintomas ng virus agad aniyang makipag-ugnayan sa Barangay.
Madz Moratillo