Dalawang bagong vaccination sites sa San Fernando, Pampanga binuksan na
Upang matugunan ang mga isinasagawang vaccination rollout na ngayon ay nasa kategorya na ng A3 o mga indibidwal na may sakit, ginawa na ring kwalipikado ng Department of Health (DOH), ang isang paaralan at isang establisimyento sa lungsod ng San Fernando, upang maging karagdagang vaccination site bukod sa Heroes Hall.
Ang tatlong vaccination site na ito ay sabay-sabay na nagsasagawa ng pagbabakuna mula Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes.
Samantala, tuwing Sabado ay sa Our Lady of Mount Carmel Medical Center ito isinasagawa.
Sa pahayag ni Dr. Iris Rose Muñoz, National Immunization Program (NIP) Manager, ang unang araw ng kanilang pagbabakuna para sa mga kabilang sa A3 group ay isinagawa ng sabay sabay sa tatlong naturang mga vaccination sites, upang maging mas mabilis at maayos ang magiging sistema.
Gayundin, ang City Health Office ay patuloy sa mga pagpaplano ng iba pang mabibisang estratehiya, para sa mas epektibo at mabisang proseso ng pagbabakuna.
Ulat ni Dwayne Pineda