Dalawang Vietnamese fishing vessel, arestado dahil sa iligal na pangingisda sa bansa
Inaresto ng Philippine Coast Guard at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang dalawang Vietnamese fishing vessel dahil sa iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas sa Hilagang Luzon.
Ayon sa PCG, dinala na ang mga fishing boats at crew sa Sta Ana, Cagayan para i-turn over sa Bureau of Fisheries Region 2 para sa imbestigasyon.
Batay sa official report na natanggap ng PCG Command Center sa Maynila, nagsasagawa ng patrol operations ang tropa nito na sakay ng MCS 3010 malapit sa isla ng Calayan sa Cagayan ala-1:30 ng madaling araw ng sabado nang makita ang Vietnamese fishing Boat .
Nilapitan ito ng PCG pero biglang pinaandar ang makina at mabilis na tumakas para maiwasan ang barko ng Coast Guard.
Nagsagawa agad ng hot pursuit operations ang PCG kung saan dalawang beses pang binangga ng Vietnamese fishing boat na may body number na BO 96281 ang MCS 3010 ng PCG hanggang ito ay maabutan at masakote sa laot.
Nayupi ang MCS 3010 at nagtamo rin ito ng butas.
Kaagaad na hinuli ng PCG ang kapitan at apat na tripulante ng dayuhang fishing boat.
Isa pang Vietnamese fishing vessel na may body number na BO 95115 na nagtangka ding tumakas ang namataan bandang alsa tres ng umaga .
Muling nagsagawa ng hot pursuit operations ang PCG at inaresto rin ang limang tripulante ng pangalawang Vietnamese fishing boat.
Ulat ni Moira Encina