IACAT dapat managot sa sinapit ng 32k pasahero na hindi nakasakay sa mga eroplano – Sen. Escudero
Ipinababalik ni senador Francis Escudero ang lahat ng travel expenses ng mga na offload o hindi nakasakay na pasahero sa mga eroplano dahil yan sa napakahabang interrogation ng mga immigration personnel
Ayon kay Escudero, dapat managot ang Inter Agency Council Against Trafficking o IACAT sa sinapit ng may 32 libong mga pasahero na na offload para bigyan sila ng leksyon
Nais ng senador na kunin sa immigration fees ang reimbursement
Giit ng mambabatas walang ebidensya na magiging biktima ng human trafficking ang mga na offload na pasahero at matinding gastos na ang kanilang pinagdaanan bago pa man sila maka-biyahe patungo sa ibang bansa kaya dapat lang itong ibalik.
Kwestyon pa ni Escudero bakit hindi hayaan ang mga bansang pupuntahan ng mga pinoy na magtanong kung may pambayad ba ng hotel, may insurance o may pera ba sa bangko
Bakit kailangan rin aniyang iprisinta pa sa mga immigration officers ang lahat ng dokumento ng pasahero lalo na ang mga naisyuhan na ng visa samantalang dumaan na sila sa mahabang proseso at nahingan na rin sila ng mga kaukulang dokumento.
Samantala pinagtibay ng senado ang isang resolusyon para ipasuspinde ang pagpapatupad ng IACAT ng bagong patakaran sa pagbyahe
Meanne Corvera