Data breach sa mga pasaporte, pinaiimbestigahan na sa Senado

Pinaiimbestigahan na sa Senado ang posibilidad na banta sa seguridad ng nangyaring data breach sa pasaporte ng mga Filipino.

Naghain na si Hontiveros ng Senate Resolution 981 na humihiling na busisiin ang kabiguan ng french contractor na i -turn over ang personal data ng mga Passport applicants matapos ang kontrata sa gobyerno.

Nababahala si Hontiveros dahil malalagay aniya sa balag ng alanganin ang seguridad ng mga Filipino lalu’t nakatakda nang ipatupad ang National ID system.

Maaari raw kasing magamit ang mga sensitibong impormasyon gaya ng middle name para ma access ang mga financial transactions ng sinumang indibidwal.

Isa aniya itong paglabag sa data privacy act of 2012 kung saan inoobliga ang gobyerno na protektahan ang impormasyon ng lahat ng mga Filipino.

Pabor naman si Senate minority leader Franklin Drilon na paimbestigahan ang isyu.

Pero dapat mismong ang Commission on Audit, Department of Justice at National Privacy Commission ang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon.

Ipinarerebisa naman ni Senador Nancy Binay sa Office of the Solicitor General ang lahat ng kontrata ng third party software at data management providers.

Ito’y para makatiyak na naisasauli nila ang lahat ng impormasyon sa gobyerno sakaling matapos na ang kanilang kontrata.

Kailangan rin aniyang matiyak na umiiral ang data privacy protection clause.

Bukod sa pasaporte, nakadepende rin sa third party data managers ang Social Security System (SSS), Land Transportation Office (LTO), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistic Authority (PSA) at Commission on Elections (Comelec).

Pagtiyak naman ng DFA, walang dapat ikabahala ang publiko dahil walang nangyaring leak sa impormasyon ng mga passport holders.

 

Ulat ni Meanne Corvera

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *