Data breach sa PNP, ibang ahensya pinaiimbestigahan sa Senado
Pinaiimbestigahan na sa Senado ang napaulat na data breach sa Philippine National Police (PNP) at iba pang tanggapan ng gobyerno.
Sa kanilang inihaing Senate Resolution no. 573, hiniling ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla na busisiin ang insidente.
Una nang iniulat ng cyber-security research company na VPNMentor na higit isang milyong records mula sa iba’t ibang law enforcement agencies, kabilang ang mga sensitibong police employee information, ang nakompromiso sa naganap na data breach.
Kabilang umano sa mga apektado ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Special Action Force (SAF).
Ayon kay Revilla, nakakabahala ang report dahil sensitibong data gaya ng fingerprint scans, tax identification number, birth certificate at passport ang posibleng makuhang datos dahil maaaring magamit ito sa panloloko.
Sinabi pa ni Revilla na ang data privacy at ang proteksiyon nito ay isang national security at interes na kailangang tugunan ng Kongreso upang maipatupad ang mga umiiral na batas.
Meanne Corvera