Dating AFP Comptroller Chief Major General Carlos Garcia, hinatulan na ng Sandiganbayan sa kasong direct bribery
Senintensiyahan na ng second division ng Sandiganbayan si dating AFP Comptroller Chief Major General Carlos Garcia matapos ang labing dalawang taong Court litigation.
Ito ay matapos na pumasok si Garcia at ang prosecutor panel noong 2010 sa plea bargaining agreement at maglabas naman ng desisyon ang Korte Suprema noong 2020 na dinidismis na nila ang petition for certiorari ng Office of Solicitor General o OSG.
Sa walong pahinang desisyon ng mga mahistrado ng Sandiganbayan hinatulan sa kasong direct bribery si Garcia na may kaakibat na pagkakakulong na mula apat hanggang walong taon.
Pinagbabayad din ng mahigit na apat na raang milyong piso si Garcia ng korte o tatlong beses na mas mataas mula sa isinasaad ng plea bargaining agreement.
Nakasaad din sa hatol ng Sandiganbayan na hindi makakalabas ng kulungan si Garcia hangga’t hindi nababayaran ang multa.
Sa Plea bargaining agreement noong 2010 aabot 135 million pesos ang ipinapasauli sa kaniya ng hukuman.
Hinatulan din ng guilty sa kasong facilitating money laundering si Garcia ng Sandiganbayan na may kaakibat na apat hanggang anim na taong pagkakakulong at pinagbabayad din ng 1.5 milyong piso.
Sa naunang kaso kay Garcia kinasuhan ito ng plunder at money laundering pero bumaba ang mga kaso matapos ang plea bargaining agreement noong 2010.
Umakyat naman sa Supreme Court ang OSG para tutulan ang plea bargaining agreement at hinihiling na magpalabas ng petition for certiorari .
Subalit noong 2020, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema kung saan isinasantabi ang petisyon ng OSG kasabay ng pagsasabi na walang iregularidad sa plea bargaining agreement.
Noong May 13, 2022, natanggap naman ng Sandiganbayan ang entry of judgement ng Korte suprema kaya itinuloy na nila ang paghatol kay Garcia.
Samantala, inilagay naman sa archived ang mga kasong kinakaharap naman ng asawa ni Garcia na si Clarita, mga anak na sina Ian Carl, Juan Paulo, Timothy at iba pa at muling bubuksan sa sandaling sumuko o maaresto sila.
Nagpalabas na rin ng alias warrant of arrest laban sa pamilya ni Garcia.
Vic Somintac