Dating Batilyo ngayon ay supplier ng isda sa mga restaurant
Mahilig ba kayong kumain ng isda?
Kung oo, anong klaseng isda at anong masarap na putahe ang nais ninyong luto para dito?
Nagpupunta pa ba tayo sa mga restaurant para makakain ng
inaasam nating favorite dish ng isda?
Usaping isda na lang din naman eh, nakakuwentuhan natin si Christopher ‘Thata’ Bidan, fish supplier sa mga restaurant.
Naibahagi niya bago nagsimula ang negosyo sa pagtitinda ng isda.
Sa edad na 13 anyos, nagsimula siyang magtrabaho bilang ‘batilyo’.
Ano ba ang ibig sabihin ng batilyo?
Ang batilyo, sila po ‘ yung humihila o nagtutulak ng mga banyerang isda, naglilinis at nagtitimbang ng mga isdang binili ng customer.
Sa pagbabatilyo, dito niya nakilala ang may-ari ng isang restaurant sa seaside.
Dito nagbukas ang oportunidad para makapagbenta ng isda, ito na rin ang nagbigay daan para makapagsupply o mag-export sa China ng isdang lapu-lapu.
Nabanggit ni Thata na halos lahat ng nais mong makitang isda ay nasa Navotas Port gaya ng maya-maya, talakitok, galunggong, pusit, hipon, pero, lapu-lapu talaga ang kanyang paninda.
Tipikal na araw niya ay ala-tres ng madaling araw, nanduon na sila sa port, nag-aabang ng isdang darating.
Pagkabili ng paninda maingat nila itong ibinibiyahe para ihatid sa kliyente.
Naku, mahalaga ang yelo, sabi pa niya tiyakin na sapat ang yelo na inilalagay sa isda.
Pagtitiyak niya lahat ng isdang dumarating mula sa port ay sariwa.
Sabi ni Thata hindi basehan ang pula ang mata ng isda, maging sa pagiging matigas o malambot ang katawan ng isda upang masabing hindi ito sariwa, kundi nakabase sa dami ng crash na yelo sa isda.
Nagbigay siya ng halimbawa tulad ng labahita, malambot talaga ang katawan nito, kaya pag niluto mo sariwa pa din.
May pagkakataon kasing kapag natunaw ang yelo pumapasok sa mukha ng isda dito nagiging maputla ang itsura nito.
Ngunit ang lasa ay hindi nagbabago.
Aminado din si Thata na paibaiba din ang demand sa isda, minsan ay umaabot ng 100 kilograms, minsan naman ay hindi. Ibig sabihin, minsan malakas, minsan matumal din.
Ang mahalaga aniya ay makatawid sila sa pang-araw- araw na pangangailangan ng pamilya.
Sa mga nagnanais pumasok sa ganitong negosyo, ang sabi ni Thata, kailangan ng capital, kailangan ay may siguradong pagbabagsakan ng paninda, puwedeng mag-umpisang
magtinda sa harapan ng bahay.
Ang mga kaibigan o mga kapitbahay ay kausapin na sa iyo na kumuha ng isda.
At huwag magtitinda sa hindi pansining lugar.