Dating Bucor chief Nicanor Faeldon at mga Bucor officials, nagkasagutan sa pagdinig ng Senado sa GCTA for sale
Sa ikaapat na pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na GCTA for Sale, nagkasagutan ang sinibak na hepe ng Bureau of Corrections na si Captain Nicanor Faeldon at mga opisyal ng Bucor.
Inungkat kasi ng mga Senador ang Department order 953 na inilabas noong November 2015.
Nakasaad sa kautusan na bago mapalaya ng sinumang bilanggo kahit pa ang nakatapos na ng kanlang sentensya ay kailangang aprubahan ng Director General ng Bucor.
Pero ang mga bilanggo na nahatulan ng Life Imprisonment o Reclusion Perpetua ay kailangang aprubahan muna ng kalihim ng Department of Justice.
Ayon kay Atty Frededick Santos, chief ng Legal Bureau ng Bucor, ipinaalam nila kay Faeldon ang naturang kautusan bago pa man palagdaan ang paglaya ng mga kwestyonableng bilango.
Binawi naman ni Santos ang pahayag at sinabing hindi nya matandaan kung si Faeldon o staff nito ang kaniyang napagsabihan.
Ayon kay Faeldon, maraming impormasyon na itinago sa kanya ang mga taga Bucor.
Iginit naman ni Faeldon na wala syang alam sa nangyaring GCTA for sale.
Umapila rin si Faeldon sa iba pang mga nagbayad na preso na isiwalat na ang kanilang nalalaman para lumabas ang katotohanan.
Pero sabi ni Senador Richard Gordon, hindi pa lusot si Faeldon kahit pa walang testigo na direktang nagturo sa kanya hinggil sa GCTA for sale.
Maari pa rin aniya itong makasuhan dahil sa kapabayaan dahilan kaya napalaya ang mga bilanggo.
Ulat ni Meanne Corvera