Dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, kailangan ng sumailalim sa psycho social assistance ayon sa Malacañang
Pinayuhan ng Malacañang si ousted Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na sumailalim sa physo-social assistance matapos sabihing “gimmick” lang ang mga ginagawang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi maaring sabihing gimmick lang ang naging aksiyon ng Presidente dahil nawalan na ng trabaho ang mga sinibak na opisyal.
Binigyang-diin ni Roque na ang paghahabol at pagsasampa ng kaso laban sa mga sinibak na opisyal ay nasa kamay na ng Ombudsman dahil hindi tungkulin ng Presidente na magsampa ng kaso.
Sinabi pa ng kalihim na naiintindihan niya ang pinagdadaanan ngayon ni Sereno kaya dapat maghinay-hinay ito dahil mahaba pa ang kanyang laban.
Kung titingnan aniya ni Sereno ang mga naging aksiyon ng Pangulo, ang mga naunang nasisisante ay mga malapit sa kanya na nakasama niya noong panahon ng kampanya kaya hindi aniya gimmick ang pagsibak sa mga ito.
Ginawa ni Roque ang pahayag dahil sa patuloy na pagbanat ni Serreno kay Pangulong Duterte sa kampanya laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Ulat ni Vic Somintac