Dating Chief Justice Reynato Puno, inendorso kay Pangulong Duterte si Court Administrator Midas Marquez para sa susunod na mababakanteng pwesto sa Korte Suprema
Lumiham kay Pangulong Duterte si dating Chief Justice Reynato Puno para iendorso si Court Administrator Jose Midas Marquez sa babakantehing pwesto sa Korte Suprema ni Associate Justice Presbitero Velasco Jr na magreretiro sa August 8.
Sa kanyang sulat sa Pangulo, sinabi ni Puno na naniniwala siya na kwalipikado si Marquez o Midas kung kanyang tawagin at nagtataglay ng marami pang katangian na kailangan para mahistrado ng Supreme Court.
Ayon sa dating Chief Justice, sa maraming taon niyang pagkakilala kay Marquez ay mapapatunayan niya ang integridad, katapatan at husay nito.
Tiwala si Puno na kapag naitalaga si Marquez bilang SC justice ay mas makapagaambag ito sa jurisprudence, judicial system at sa bansa sa kabuuan.
Anya isa si Midas sa kasama sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council sa Malacañang para sa mababakanteng posisyon sa Kataas-taasang Hukuman.
Inihayag ni Puno na mula nang maging summer apprentice si Midas sa Korte Suprema noong 1991 hanggang ganap na maging abogado noong 1994 ay hindi na ito umalis sa Supreme Court.
Binanggit ni Puno na noong 2003 ay kinuha niya si Marquez parang maging isa sa mga senior lawyers niya sa Supreme Court at nang siya ay maging Punong Mahistrado noong 2006 ay ginawa niyang Chief of Staff at SC Spokesperson si Marquez.
Bilang pagkilala anya ng Korte Suprema sa natatanging ambag ni Marquez ay itinalaga itong Court Administrator noong 2010 na pinakabata sa kasaysayan ng SC.
Samantala, bukod kay Puno, inirekomenda rin si Marquez sa Pangulo ng byuda ni dating Chief Justice Renato Corona na si Ginang Cristina Corona.
Pinuri ni Mrs Corona ang dedikasyon, integridad at katapatan ni Marquez sa Supreme Court.
Ulat ni Moira Encina