Dating chief of staff ni JPE na si Atty. Gigi Reyes, pansamantalang nakalaya
May karapatan umano sa writ of habeas corpus ang dating chief of staff ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na si Atty. Jessica Lucila ‘Gigi’ Reyes.
Ito ang ipinunto ng Supreme Court First Division sa resolusyon nito na naguutos na palayain si Reyes na nakulong ng halos isang dekada dahil sa kasong plunder kaugnay sa pork barrel fund scam.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jayrex Bustinera, 6:30 ng gabi ng Huwebes, Enero 19 nang makalabas mula sa kustodiya ng BJMP si Reyes matapos ma matanggap ang kopya ng resolusyon ng Korte Suprema.
Siyam na taon na napiit sa Taguig City Jail- Female Dormitory si Reyes o mula noong July 9, 2014.
Sa 19 na pahinang desisyon ng Unang Dibisyon ng Korte Suprema, pinaboran nito ang petition for habeas corpus ni Reyes.
Ayon sa SC First Division, nalabag ang karapatan ng petitioner sa mabilis na paglilitis o speedy trial at ang kaniyang karapatan sa kalayaan o right to liberty bagamat ligal ang kaniyang pagkakakulong.
Napatunayan umano ni Reyes na naging “oppressive” at “vexatious” na ang kaniyang pagkakaditene dahil sa delayed na paglilitis.
Sinabi ni Bustinera na bago makalabas sa kulungan ay sumailalim muna si Reyes sa medical checkup alinsunod sa mga patakaran ng BJMP.
Batay sa kaniyang certificate of discharge ay nasa mabuti ang lagay ng kalusugan nito.
Nilinaw naman ng Korte Suprema na pansamantala lang ang kalayaan ni Reyes at hindi ito katumbas ng pagbasura sa mga kriminal na kaso nito sa Sandiganbayan.
Kaugnay nito ay naglatag ng apat na kondisyon ang SC para sa pansamantalang kalayaan ni Reyes.
Una ay dapat ito na dumalo nang personal sa mga pagdinig sa mga kaso laban sa kaniya sa Sandiganbayan.
Ikalawa ay dapat na magsumite si Reyes ng quarterly periodic report sa clerk of court sa kaniyang kinaroonan.
Ikatlo ay dapat na kumuha ito ng travel authority mula sa Sandiganbayan kung lalabas ito ng bansa at pisikal na magpakita sa korte limang araw matapos na dumating sa bansa.
Panghuli, pinagsusumite si Reyes sa Office of the Clerk of Court ng SC ng quarterly report sa kaniyang compliance o pagsunod sa mga nasabing kondisyon.
Ayon sa SC, nananatiling akusado at itinuturing si Reyes na inosente hanggang walang pinal na hatol kaya ito ay entitled sa kaniyang mga karapatan sa ilalim ng Saligang Batas.
Napatunayan umano ng petitioner na ang patuloy na pagkakakulong nito ay lumalabag na sa kaniyang right to liberty.
Iginiit nito na noong Marso 2022 lamang nagsimula ang paglilitis kahit 2014 pa naisampa ang kaso laban dito.
Natukoy anila ng akusado ang mga pangyayari na walang katiyakan na matatapos na ang paglilitis sa kaso kahit malapit na mag-isang dekada na ito nakakulong.
Binanggit ng SC ang ipinunto ng petitioner na ang mahabang delay ay bunsod ng maling markings ng prosekusyon sa ebidensya.
Bukod dito, isang testigo lang ang pinahintulutan ng Sandiganbayan na humarap kada araw ng paglilitis na nakaiskedyul dalawang beses bawat linggo.
Sinabi pa ng Korte Suprema na bigo ang prosekusyon na ipaliwanag ang prolonged proceedings.
Pag-aaralan naman ng Office of the Solicitor General (OSG).na kumakatawan sa respondents ang magiging epekto o ramifications ng desisyon ng SC.
Ipinunto rin ni Solicitor General Menardo Guevarra na binigyang- diin ng SC na ang pagkatig sa petisyon ni Reyes ay hindi nangangahulugang absuwelto na ito.
Aniya, nagresulta lamang ito sa temporary liberty ng akusado na parang pinagpiyansa ito ng korte nang walang itinakda na anumang halaga.
Moira Encina