Dating Cong Pryde Teves nakipag-usap sa DOJ ukol sa Degamo case – Remulla
Kinumpirma ni Justice Secretary Crispin Remulla na nakaharap niya si dating Negros Oriental Governor at Congressman Pryde Henry Teves.
Si Pryde Teves ang nakatunggali sa politika ng pinaslang na si Governor Roel Degamo at kapatid ng sinasabing mastermind sa krimen na si Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ayon sa kalihim, naganap ang in-person na pag-uusap nila ni Pryde Teves kasama ang iba pang opisyal ng Department of Justice (DOJ) bago ang long holiday.
Kaharap din aniya sa pagpupulong ang abogado nito na si Raymund Fortun.
Sinabi ni Remulla na inulit lang ng dating gobernador at kongresista ang mga nauna nitong pahayag.
Aniya, iginiit ni Pryde Teves na wala siyang kinalaman at wala siyang alam sa pagpatay kay Degamo.
Tumanggi naman si Remulla na magkomento kung walang ebidensya sa ngayon ang DOJ na mag-u-ugnay kay Pryde Teves sa Degamo killing.
Moira Encina