Dating Customs Chief Isidro Lapeña, kinasuhan ng NBI sa DOJ ng paglabag sa Anti-Graft law dahil sa pagkawala ng mahigit 100 container vans sa Port of Manila noong Marso
Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng mga reklamong katiwalian at administratibo si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña kaugnay sa mahigit 100 container vans na nawala sa Port of Manila noong Marso.
Reklamong paglabag sa Section 3 ng R.A. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang inihain ng NBI laban kay Lapeña at isang unidentified na tao.
Ipinagharap din sina Lapeña ng Gross Neglect of Duty at Grave Misconduct.
Matatandaan na noong Marso iniulat ng mga Customs officials na 105 container ng ceramic tiles mula sa China at iba pang imported products ang naglaho sa BOC sa kabila ng alert order para hindi ito mailabas.
Natagpuan ang 85 sa mga nawalang containers sa Meycauayan, Bulacan.
Una nang itinanggi ni Lapeña na naglalaman ng droga ang mga container vans.
Ulat ni Moira Encina