Dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang BOC officials sinampahan ng PDEA ng kaso sa DOJ dahil sa pagkakapuslit sa bansa ng ₱6.4B na shabu
Sinampahan na ng reklamong kriminal sa DOJ ng PDEA si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at labing-isa pang opisyal ng Bureau of Customs dahil sa pagkakapuslit sa bansa noong Mayo ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu galing China.
Inakusahan ng PDEA si Faeldon at ang mga BOC official ng pagsasabwatan para sa importasyon ng iligal na droga at pagprotekta sa mga drug traffickers na paglabag sa ilalim ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ipinaharap din sila ng reklamong katiwalian, obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829 at negligence and tolerance sa ilalim ng article 208 of the Revised Penal Code.
Kasama sa mga kinasuhan ng PDEA sina BOC Directors Milo Maestrecampo at Neil Anthony Estrella; Intelligence officers Joel Pinawin at Oliver Valiente; Manila International Container Port District Collector Lawyer Vincent Phillip Maronilla; Atty Jeline Maree Magsuci; at Customs employees Alexandra Ventura, Randolph Cabansag, Dennis Maniego, Dennis Cabildo at John Edillor.
Sinampahan din ng reklamong illegal drugs importation ang mga importers at nangasiwa sa shabu shipment sina Chen Ju Long alyas Richard Tan, Manny Li, Kenneth Dong, Mark Taguba II, Teejay Marcellana, Eirene May Tatad, Emily Dee, Chen I-Min, Jhu Ming Jyun at Chen Rong Juan.
Inireklamo din ng paglabag sa section 30 ng RA9165 ang Hong Fei Logistics directors at officers na sina Genelita Arayan, Dennis Nocom, Zhang Hong, Rene Palle, Richard Rebistual at Mary Rose de la Cruz.
Ulat ni: Moira Encina