Dating DILG Sec. Mar Roxas at dating DOJ Sec. Leila de Lima, inakusahan ni PRRD ng korapsyon, batay sa COA report
Itinuro ni Pangulong Rodrigo Duterte sina dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at dating Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na sangkot sa korapsyon batay sa report ng Commission on Audit (COA) noong panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa kanyang weekly Talk to the People, inungkat ng Pangulo ang COA report na nagsasabing mayroong mahigit 10 bilyong pisong unliquidated cash advances ang ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Aquino administration kasama ang DILG at DOJ na pinamumunuan noon nina Roxas at de Lima.
Ayon sa Pangulo mayroong 614.44 milyong pisong unliquidated cash advance si de Lima batay sa COA report noong 2013 samantalang si Roxas naman ay mayroong 7 bilyong pisong unliquidated cash advance noong 2014 dahil sa paglilipat-lipat ng pondo sa mga proyekto sa ilalim ng DILG.
Inihayag ng Pangulo na ang unliquidated cash advance nina de Lima at Roxas ay malinaw na winaldas at nanakaw ang pera ng gobyerno.
Niliwanag ng Pangulo na kaya niya ibinunyag ang umano’y katiwalian sa panahon nina de Lima at Roxas para malaman ng publiko kung sino talaga ang nagsamantala at nagnakaw sa kaban ng bayan.
Iginiit ng Pangulo ang COA report hinggil sa 67 bilyong pisong pondo ng Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque III ay naipaliwanag na at nagkaroon na ng clearance ang COA.
Pangulong Duterte:
“Ngayon, itong COA ba sa previous administration, may audit findings sila. Iyong dumaang administrasyon, ibig sabihin kay Aquino. Mayroon dito ha agency, DOJ, under Secretary Leila De Lima, unliquidated [P617.44] million worth of cash advance in the year 2013. Itong kay Duque, bibili. Itong kay De Lima, nag-cash advance ng 617.44 million, unliquidated. Nakulong na lang ang g***, hindi niya ma-account itong ano. Tapos sabi nila nag-press release na na-liquidate na raw.DILG, unliquidated 7 billion worth of fund transfers to various projects implemented under the term of former DILG Secretary Mar Roxas as of December 31, 2014. Receivables account accumulated to a huge amount of 7. — 740 million — 740 billion because management failed to monitor the —- monitor the liquidations of the fund transfer and the submission of the corresponding financial report. Ito, unliquidated cash advances. Ito perang kinuha talaga. Eh itong kay Duque magbili eh. Ito nag-cash advance, nagbale. And other agencies lahat-lahat may mga kasama na COMELEC, DepEd, DILG, DND, DOJ, DSWD, DA, and others, mayroon silang 10,000,014,000.Yeah. Kaya sabihin ninyo ngayon ito ang — itong kay De Lima ang pinakamaingay. Magturo ka ng magnanakaw kaya nakaganoon nga eh ang kamay mo. Ito, nakaturo sa iyo; doon ikaw doon sa tinuturo mo na ano. Iyan ang nangyari diyan. Ngayon si De Lima, maingay. Sige nga mag-ingay ka nga ngayon”
Vic Somintac