Dating JBC member inendorso ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema para sa posisyon ng Chief Justice
Inendorso ni dating JBC member at retired Sandiganbayan Justice Raoul Victorino ang lahat ng 14 na mahistrado ng Korte Suprema para sa posisyon ng Chief Justice.
Ibig sabihin ay mula kay Senior Associate Justice at acting Chief Justice Antonio Carpio hanggang sa most junior Justice na si Alexander Gesmundo ay inirekomenda ni Victorino sa pagiging Punong Mahistrado.
Ayon kay Victorino, mas mabuting iendorso sa pwesto ang mga incumbent justices ng Supreme Court dahil alam na ng mga ito ang mga internal workings ng hukuman.
Baka anya magkaproblema pa kung isang outsider ang irerekomenda para sa pwestong binakante ng napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Naniniwala si Victorino na dahil sa delicadeza ay ayaw ng mga SC justices na mag-apply kaya ginawa niya ang nominasyon.
Gayunman, nagtakda na ang JBC ng direktiba na ang lahat ng nominasyon ay kailangan may acceptance ng nominado para ito ikonsidera.
Sa August 3 isasagawa ng JBC ang unang deliberasyon para sa pwesto ng Chief Justice pagkatapos matanggap ang lahat ng nominasyon at aplikasyon na itinakda hanggang July 26.
Ulat ni Moira Encina