Dating Justice secretary Aguirre, dapat imbestigahan at papanagutin sa mga kontrobersyal na kaso sa DOJ kahit pa nasibak na sa puwesto
Hindi pa rin umano maituturing na lusot na sa mga kontrobersyal na kaso sa Department of Justice si outgoing Secretary Vitaliano Aguirre kahit na sinibak na ito sa pwesto.
Ayon kay Liberal Party president at Senador Francis Pangilinan, dapat pa ring imbestigahan at sampahan ng kaso si Aguirre kaugnay ng mga ginawang kapalpakan sa DOJ.
Marami aniyang dapat na ipaliwanag si Aguirre lalo na sa paglaganap pa rin ng illegal drugs sa New Bilibid Prisons sa kabila ng mga ginawang imbestigasyon laban sa mga hinihinalang sangkot sa operasyon.
Welcome aniya para sa oposisyon ang pag-alis ni Aguirre pero hindi ito dapat mabigyan ng iba pang posisyon sa gobyerno.
Dapat rin aniya itong papanagutin sa batas dahil sa kaniyang mga kapalpakan kabilang na ang pagkakadawit sa panunuhol ng negosyanteng si Jack Lam.
Ulat ni Meanne Corvera