Dating manager ng isang closed rural bank sa Negros Oriental, hinatulang guilty sa paglabag sa Banking Law
Pinatawan ng parusang pagkakakulong ng korte sa Dumaguete City ang isang dating manager ng sarado nang bangko sa Negros Oriental dahil sa paglabag sa Banking Law.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang kaso ay nag-ugat sa nadiskubre nitong unaccounted cash advances sa mga transaksyon ng Rural Bank of Siaton na ngayon ay sarado na.
Sa desisyon ng Dumaguete City Regional Trial Court Branch 38, hinatulang guilty sa 44 na counts ng paglabag sa General Banking Law si Porferio D. Tubog na dating manager ng RB Siaton.
Sinentensyahan ng korte si Tubog ng parusang pagkakabilanggo na hindi bababa sa dalawang taon hanggang tatlong taon sa bawat count ng paglabag.
Inatasan din ng hukuman si Tubog na bayaran ang Philippine Deposit Insurance Corporation ng Php 578,408.81 bilang civil liabilities sa sarado nang RB Siaton.
Sinabi ng BSP na kinasuhan ang bank manager dahil sa 43 cash advances na nakuha nito mula sa RB Siaton na mahigit Php1 milyon at sa kabiguan nitong isauli ang unaccounted funds na Php 578,408.81.
Moira Encina