Dating NBA championship winner ng Australia na si Andrew Bogut, nagretiro na
SYDNEY, Australia (AFP) — Inanunsyo ng NBA championship-winning centre na si Andrew Bogut, ang kaniyang immediate retirement sa basketball matapos ang 15-year career.
Sinabi ng 36-anyos na Australian, na siya ring NBA top draft pick noong 2005 para sa Milwaukee Bucks, na nagkaroon siya ng pagkakataon na limiin ang kaniyang kinabukasan nang magshut-down ang liga dahil sa coronavirus.
Sa kaniyang podcast na “Rogue Bogues,” ay sinabi niya na hindi madali ang naging desisyon niya, ngunit sa palagay nya ay iyon ang tama.
Sinabi ni Bogut, na nakikipaglaban siya sa chronic pain dahil sa kaniyang injuries, at inaming sumailalim siya sa dalawang operasyon noong off-season.
Aniya, noong una ay nakapokus sya na makarating hanggang sa 2020 Tokyo Olympics para katawanin ang Australia, ngunit ngayon ay nais niyang unahin ang para sa kaniyang kalusugan.
Ang anunsyo ay ginawa ni Bogut, halos anim na buwan matapos niyang sabihin na hindi na niya ire-renew ang kaniyang kontrata sa Sydney Kings sa National Basketball League (NBL) ng Australia.
Pumirma siya ng isang two-year contract sa Kings noong 2018, kasunod ng isang 13-year NBA career na natapos sa pamamagitan ng pagwawagi niya ng championship kasama ng Golden State Warriors noong 2015.
Ang 7-footer na si Bogut ay naglaro sa loob ng pitong season kasama ang koponan ng Milwaukee Bucks, bago lumipat sa Golden State. Naglaro rin siya kasama ang Dallas Mavericks at Cleveland Cavaliers.
Siya ang most valuable player (MVP) ng NBL para sa 2018/19 season. Nakaabot naman ang Kings sa grand final ng liga ngayong taon bago matapos ng wala sa panahon ang season, dahil sa coronavirus shutdown.
© Agence France-Presse