Dating NEDA Chief Romulo Neri, perpetually disqualified sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno— SC
Hindi na maaaring umupo sa anumang puwesto sa pamahalaan si dating National Economic and Development Authority (NEDA) Chief Romulo Neri.
Ito ay matapos mapatunayang guilty ng Korte Suprema si Neri sa grave misconduct kaugnay sa kontrobersyal na NBN-ZTE broadband deal noong 2007.
Sa 20-pahinang desisyon ng Supreme Court Third Division, sinabi na si Neri ay naging aktibong broker sa bid ng Chinese company na ZTE gamit ang kanyang posisyon kahit ito ay may bahid ng kurapsyon.
Dahil dito, pinatawan ng SC si Neri ng perpetual disqualification sa serbisyo sa gobyerno at hindi na makatatanggap ng leave credits at retirement benefits.
Una nang hinatulang guilty ng Offfice of the Ombudsman si Neri sa misconduct at sinuspinde sa loob ng anim na buwan.
Pero, ibinaba ito ng Court of Appeals sa simple misconduct at pinagmulta lamang ng katumbas ng anim na buwang suweldo nito.
Binaligtad naman ng Korte Suprema ang ruling ng CA at kinatigan ang findings ng Ombudsman.
Sa imbestigasyon noon ng Senado sa broadband deal, sinabi ni Neri na sinuhulan siya ni dating COMELEC Chair Benjamin Abalos para aprubahan ang proyekto.
Inamin din nito na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng ZTE pero ito ay para lamang i-evaluate ang economic viability ng national broadband project.
Moira Encina