Dating NTF-ELCAC Spox Badoy, hiniling sa SC na huwag siyang patawan ng contempt
Nagtungo sa Korte Suprema si dating NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy para hilinging huwag siyang parusahan ng contempt.
Ito ay kaugnay sa sinasabing pagbabanta ni Badoy sa social media post nito laban sa hukom ng Manila Regional Trial Court na nagbasura sa petisyon ng DOJ para ideklarang teroristang grupo ang CPP-NPA.
Sa komento na inihain ni Badoy at ng abogado niyang si Harry Roque, hiniling na isantabi at ipawalang-bisa ng Supreme Court ang show cause order na inisyu laban sa dating opisyal.
Iginiit ng kampo ni Badoy na paglabag sa kaniyang freedom of expression na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang show cause order.
Ayon pa kay Roque, ang freedom of speech at expression ay hindi lang para sa mga kritiko ng pamahalaan.
Ipinunto pa nila na ang kritisismo ni Badoy laban sa ruling ng Manila RTC judge ay saklaw ng fair comment doctrine para sa mga isyu na public interest.
Nilinaw din ni Badoy na hindi niya binantaan o inuudyukan ang mga tao ng karahasan laban sa hukom sa naging pagbatikos niya.
Sa halip ang pahayag niya ay syllogism o deductive reasoning.
Kasabay nito, nanindigan sina Badoy at Roque na mali ang ruling ng Manila RTC na hindi ideklarang terorista ang CPP-NPA.
Moira Encina