Dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog, hinatulan ng life imprisonment ng korte dahil sa illegal possession of drugs
Pinatawan ng korte sa Quezon City ng parusang habambuhay na pagkakabilanggo si dating Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog dahil sa illegal possession of drugs.
Ang kaso ay nag-ugat sa nakumpiska ng PNP-CIDG na mahigit 677 gramo ng shabu sa raid sa bahay ni Parojinog noong July 21, 2017.
Sa 160-pahinang desisyon ni QC Regional Trial Court Branch 228 Presiding Judge Mitushealla Manzanero- Casiño, sinabi na napatunayan ng prosekusyon beyond reasonable doubt ang pagkakaroon ng droga ng akusado.
Naipakita din aniya ng prosekusyon na nasunod ng mga otoridad ang chain of custody at mga regulasyon sa pagimbentaryo ng mga nakuhang droga.
Hindi binigyang bigat ng judge ang depensa ni Parojinog na itinanim ng pulisya ang mga droga sa kaniyang bahay dahil sa kawalan ng ebidensya.
Bukod sa life imprisonment, inatasan ng korte si Parojinog na magbayad ng P500,000.
Ipinagutos din ng hukuman na ilipat si Parojinog sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City mula sa Taguig City Jail Female Dormitory.
Ang pamilya Parojinog ay matatandaang kabilang sa narco list ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tumayong prosekusyon sa kaso sina Senior Assistant State Prosecutor (SASP) Josie Christina Dugay, SASP Herbert Calvin Abugan SASP Ethel Rea Suril, Assistant State Prosecutor (ASP) Michael John Humarang, ASP Honey Rose Delgado at Prosecution Attorney Lyra Carissa Profugo.
Moira Encina