Dating Pangulo at Pampanga Representative Gloria Arroyo dating Pangulong Duterte at iba pa, may impormal na pagkikita
Kinukumbinse ni dating Pangulo at Pampanga representative Gloria Arroyo si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging aktibo sa pulitika
Yan ang dahilan kaya magkasama sina Arroyo at Duterte nitong nakaraang linggo.
Sa larawan na ibinahagi ni senador Christopher “bong” Go sa kaniyang social media account, magkakasama sina Arroyo, Duterte, Go, dating Senate President Vicente Sotto at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ayon kay Go na nagsilbi ring special assistant ng dating Pangulo, inimbitahan ni Arroyo si Duterte sa isang simpleng kamustahan
Nasa Metro Manila aniya ang dating Pangulo para sa kaniyang medical check-up kaya pinagbigyan niya ang imbitasyon
Sumama aniya sa meeting sina Sotto at Medialdea dahil nais rin nilang makita ang dating pangulo.
“At dahil bihira lang naman na pumunta sa maynila sa ngayon si dating Pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea, si dating Senate President Tito Sotto na gusto ring makamusta ng personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si tatay Digong. Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno.” pahayag ni senador Bong Go
Sabi ng senador, isang simple at masayang kumustahan ang nangyari at nagbalik tanaw sa mga panahong magkakasama sila sa gobyerno
Sa naturang meeting aniya hinimok ni Arroyo si Duterte na bumalik sa pulitika.
Pero hindi malinaw kung anong posisyon ang maaring takbuhan ni Duterte at hindi naman ito nagbigay ng commitment.
“Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi din ni dating pangulong Arroyo si dating pangulong Duterte namaging aktibo muli sa pulitika. Sabi ko nga, magkaiba man ng pinanggalingan, iba’t iba man ang hinawakan nilang posisyon sa gobyerno, iisa lang ang kanilang hangarin—ang paglingkuran ang sambayanan.” dugtong pa ng senador
Wala pang pahayag hinggil dito sina Arroyo at Sotto na kapwa kasama sa naturang pagpupulong.
Meanne Corvera